Layunin ng Municipal Cultural and Tourism Office ng Echague na mabakunahan ang hindi bababa sa anim na libong aso at pusa sa buong bayan bilang bahagi ng pagdiriwang ng Founding Anniversary ng bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Louie Simbi, Coordinator at Tourism Officer ng Echague, sinabi nito na ang vaccination drive ay naglalayong mapanatili ang kalusugan ng mga alagang hayop at mabigyan ng kapanatagan ang publiko, lalo na ang mga turista na bumibisita sa lugar.
Ipinaliwanag niya na iikot sa lahat ng barangay ang vaccination team, na tatagal ng ilang araw upang matapos ang buong operasyon. Katuwang ng opisina sa implementasyon ang mga volunteer mula sa Isabela State University – Echague Campus, pati na rin ang Municipal at Provincial Veterinary Offices.
Kasabay ng 6K Vaccination Drive, kabilang sa mga aktibidad ng founding anniversary ang mass demo, concert, at ang bagong Echague Film Festival. Sa film festival, 14 na filmmakers ang makikilahok at mabibigyan ng pondo upang makagawa ng pelikula na may kaugnayan sa lokal na kultura at komunidad. Bukod dito, gaganapin rin ang Farmers Congress upang higit na maipakita ang kontribusyon ng mga lokal na magsasaka.
Opisyal ding nagbukas ang bancheto sa bayan nitong Marso 4, habang ang opening parade at program ng founding anniversary ay nakatakda sa darating na Biyernes, Marso 6. Inaanyayahan ang lahat, maging ang mga hindi residente ng Echague, na makiisa sa selebrasyon.
Ang serye ng mga aktibidad ay naglalayong ipagdiwang ang kasaysayan, kultura, at komunidad ng Echague, kasabay ng pagpapalakas ng kamalayan sa kalusugan ng hayop at lokal na sining.





