--Ads--

Nakapagtala na ang OCD Region 2 ng 6,019 pamilya o 80,900 katao na nailikas mula sa 683 barangay sa rehiyon.

Umaabot naman sa 14,104 pamilya o 43,419 katao ang kabuuang bilang ng mga apektado.

Sa kasalukuyan, nananatili sa mga evacuation center ang 10,200 pamilya o 31,168 katao, habang nasa 3,317 pamilya o 10,687 katao ang pansamantalang nakisilong sa kanilang mga kaanak.

Labing-isang (11) kalsada sa buong Region 2 ang hindi madaanan, tatlo rito ay national roads habang 23 local overflow bridges ang nananatiling impassable dahil sa pagtaas ng antas ng tubig sa Ilog Cagayan.

--Ads--

Wala na ring suplay ng kuryente sa Quirino, Cagayan, at ilang bahagi ng Isabela dahil sa epekto ng bagyong Uwan.

Sa ngayon, nakatutok ang OCD Region 2 sa pagtaas ng antas ng tubig sa Cagayan River, Magat River, at Buntun Bridge dahil sa pag-apaw ng ilog na inaasahang magdudulot ng pagbaha sa mga mababang lugar.

Nakaantabay at naka-deploy na rin ang mga response assets ng OCD Region 2 sa Tuao at Piat dahil sa nararanasang lampas-taong baha sa naturang mga lugar, at posibleng madagdagan pa ang bilang ng mga residenteng maaapektuhan.

Maliban sa Tuao at Piat, Cagayan, ay nakararanas na rin ng pagbaha ang ilang barangay sa Angadanan at Cabagan, Isabela.