--Ads--

CAUAYAN CITY – Maayos na naisagawa kahapon ang Licensure Examination for Teachers (LET) sa dalawang paaralan na ginawang testing center sa Cauayan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Alfredo Gumaru Jr., Schools Division Superintendent (SDS) ng Department of Education (DepEd) Cauayan city na nagtapos ang pagsusulit ng secondary takers  ganap na 6:30 kagabi habang natapos ng 2:00 ng hapon ang mga elementary takers.

Nakakalungkot aniya dahil may 22 LET examinees na karamihan ay galing  sa mga malalayong lugar ang naitalang positibo sa antigen test na agad na-isolate.

Wala namang nakitang sintomas ng virus sa mga nagpositibo kayat dalawang beses silang kinunan ng antigen test na parehong nagpositibo.

--Ads--

Agad na dinala sa itinalagang isolation area at naidulog sa kani-kanilang LGU’s upang maibigay ang kauukulang pangangalaga.

Agad namang isasagawa ang contact tracing upang matukoy ang mga close contacts ng mga nagpositibo.

Ayon kay Dr. Gumaru, umiyak ang ilan sa mga nagpositibo sa antigen test at nais pa rin nilang kumuha ng pagsusulit ngunit kailangang ipatupad ang mga panuntunan ng Professional Regulation Commission (PRC) para sa kaligtasan ng mga examinees at proctors.

Naging mahigpit ang PRC sa pagpapatupad ng mga safety protocols at nanatiling nakasuot ng face shield at face mask ang mga examinees kahit nasa loob na ng kanilang examination room.

Sinabi pa ni Dr. Gumaru na sa kabila ng pandemya ay naging maganda ang turnout ng mga examinees.

Sa secondary takers ay 519 ang kumuha ng pagsusulit mula sa kabuoang 689 habang ang Elementary takers ay pitumput tatlo mula sa kabuoang 89.

Ang pahayag ni Dr. Alfredo Gumaru Jr.

Sa kabuuan, may 61 examinees ang nagpositibo sa antigen test sa testing center sa Cauayan City at Tuguegarao City.

Sa testing center sa Cauayan City ay 22 examinees ang nagpositibo habang sa Tuguegarao City ay 39 examinees.