CAUAYAN CITY – Umaabot 63 tokhang responders na sumailalim sa Community Based Rehabilitation Program (CBRP) ang nagtapos sa Quezon, Isabela.
Ang mga nagtapos ay pawang gumamit umano ng ipinagbabawal na gamot at wala umanong nagbenta sa kanila bago sila natokhang.
Pinakabata sa mga tokhang responders ang 4 na high school students habang ang pinakamatanda ay nasa edad 50 pataas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Sr. Inspector Arnel Alvarez, hepe ng Quezon Police Station, sinabi niya na inaasahan nila na ito na ang huling maitatalang mga sangkot sa iligal na droga sa nasabing bayan.
Sa pagbabalik sa pulisya sa kampanya kontra illegal na droga, wala nang naitala ang Quezon Police Station na anumang sangkot at target sa oplan tokhang.
Sa 15 barangay, tatlo na ang drug free, samantalang ang labindalawa ay mga slightly drug affected barangays.
Napag-alaman mula sa ilang tokhang responders na sa karatig na lalawigan ng Kalinga sila kumukuha ng suplay ng kanilang ginagamit subalit mula noong sila ay ma-tokhang at sumailalim sa CBRP ay itinigil na nila ang kanilang transaksiyon sa mga hindi kinilalang supplier.




