Pinag-iingat ang publiko ng Mines and Geosciences Bureau o MGB sa Central Visayas laban sa paglapit, paglangoy, at pag-inom ng tubig mula sa mga sinkhole na lumitaw matapos ang malakas na lindol na may lakas na magnitude 6.9 noong Setyembre 30, 2025
Ayon sa ulat ng MGB-7 ngayong Martes, Oktubre 14, umabot na sa 64 na sinkhole ang kanilang natukoy at nakumpirma sa hilagang bahagi ng Cebu.
Karamihan sa mga ito ay matatagpuan sa bayan ng San Remigio, habang 16 ang nasa Bogo City at walo naman sa Daanbantayan.
Sinabi ni Josephine Aleta, hepe ng MGB-7 na patuloy pa ring nakararanas ng mga aftershock ang nasabing lugar kaya’t posibleng mas marami pang sinkhole ang mabuo sa mga susunod na araw.
Sa kasalukuyan nagpapatuloy parin ang ginagawang geological at hazard assessment ng MGB sa mga lugar na naapektuhan ng lindol.
Inirekomenda na rin ng ahensya sa mga lokal na pamahalaan na ilikas ang mga residenteng nakatira o nananatili malapit sa mga sinkhole bilang pag-iingat.
Inaasahan namang ilalabas ng MGB ang kanilang opisyal at kumpletong ulat hinggil sa insidente sa mga susunod na linggo.







