CAUAYAN CITY – Umabot na sa mahigit 60,000 sa target population sa Lunsod ng Santiago ang nabakunahan kontra Covid-19 sa patuloy na vaccination rollout ng pamahalaan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Nico Corado Medical Officer III ng CityHealth Office (CHO) Santiago City, sinabi niya na nasa 66,674 o 66% ng target population ang kabuuang bilang ng nakakumpleto na ng bakuna sa lunsod habang nasa 87,387 ang nabakunahan ng 1st dose.
Aniya, 86% na ang nabakunahan ng 1st dose sa target population ng Lunsod ng Santiago na may kabuuang populasyon na 143,000.
Inanyayahan ni Dr. Corado ang mga mamamayan sa Lunsod ng Santiago na magtungo na sa mga Resbakuna Night at magdala lamang ng ID at sumunod sa mga health protocol tulad ng pagsusuot ng facemask at faceshield.
Isinasagawa ng CHO ang Resbakuna Night tuwing araw ng lunes, Miyerkules at Biyernes mula 5:00PM hanggang 8:00PM upang mapabilis na maabot ang herd immunity sa lunsod.
Kahit umano hindi residente ng Santiago City basta may trabaho sa lunsod ay papayagang magtungo sa venue ng resbakuna upang mabakunahan.
Ayon pa kay Dr. Corado ,wala naman silang quota ngunit kapag marami pang tao at mayroon pang natitirang bakuna ay babakunahan ang lahat upang mas mabilis na maabot ang target population.
Para sa mga kabataang edad 12 hanggang 17 ay may pang-umaga na schedule ang CHO mula Lunes hanggang Biyernes sa Santaigo City North Central School.
Ayon kay Dr. Corado, hindi pinapayagan ang mga kabataang edad 12 hanggang 17 sa Resbakuna Night.
Patuloy na inaanyayahan ng CHO Santiago City ang mga mamamayan na magpabakuna na upang magkaroon ng proteksyon laban sa Covid-19.











