CAUAYAN CITY – Inatasan na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Consular Office sa Beirut, Lebanon na tulungan ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) na taga-San Guillermo, Isabela na pinigilang makauwi ng kanyang amo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Edgar Pambid, presidente ng Isabela OFW Federation na ang OFW na si Jovy Tomas Bodomo ng Burgos, San Guillermo, Isabela ay ikakasal sana sa Lunes, ika-8 ng Abril 2019.
Gayunman, hindi ito matutuloy dahil sa nangyari sa kanya sa Lebanon.
Sinabi ni Ginoong Pambid na nagpunta siya sa DFA noong Miyerkoles at nakausap niya ang Undersecretary for Migrant Workers Affairs Office at sinabing inatasan na ang Consular Office na kumilos para matulungan si Bodomo.
Wala aniyang papeles nang pumunta si Bodomo sa Lebanon dahil dumaan siya sa backdoor mula Sabah, Malaysia patungo sa nasabing bansa.
Matapos ang dalawang taon ay gusto na niyang umuwi dahil nag-expire ang kanyang kontrata noong Disyembre 2018 ngunit kinausap siya ng amo na mag-extend.
Noong Marso ay uuwi na sana si Bodomo ngnit hindi siya binigyan ng Balikbayan Card ng consular office kaya nang malaman ito ng kanyang amo ay pinigilan siyang umuwi.
Para mapilitan umano ang kanyang amo na pauwiin siya ay hindi na siya nagtrabaho ngunit tumawag ng pulis ang employer at siya ay ipinadakip.
Nagkataon na dumalaw ang nanay ng employer ni Bodomo at siya ay tinulungan.
Ayon kay Ginoong Pambid, hindi binigyan ng Balikbayan card ang OFW dahil siya umano ay underage.
Gayunman, nang tiningnan niya ang birthday certificate ni Bodomo ay 24 anyos na siya ngayon.