--Ads--

CAUAYAN CITY – Nanindigan si Governor Faustino “Bojie” Dy III na para sa pangangalaga sa kagubatan ang pagpapaalis sa mga illegal settlers sa Sindon Bayabo, Lunsod ng Ilagan.

Isa aniya sa mga naging kondisyon sa pagsasaayos sa Ilagan-Divilacan road rehabilitation project ang hindi pagpapatayo ng anumang bahay o istraktura sa kahabaan ng daan para mapangalagaan ang Northern Sierra Madre Natural Park na natitirang virgin forest hindi lang sa lalawigan kundi sa buong bansa.

Sa naging panayam ng Bombo Rady Cauayan, sinabi ni Gov Dy na mula pa noong nakaraang taon ay nagkaroon na ng mga dayalogo at konsultasyon hinggil sa paglipat sa mga illegal settlers ngunit hindi sila sumusunod sa mga napagkasunduan.

Mula sa 23 na pamilya ay dumami pa ang mga nagpatayo ng bahay sa nasabing lugar dahil nais nilang samantalahin ang mga oportunidad na dulot ng pagsasaayos sa daan tulad ng pagkakaroon ng negosyo.

--Ads--

Binigyang-diin ni Gov Dy na walang karapatan ang sinuman na magpatayo ng bahay o anumang istraktura sa kahabaan ng nasabing daan dahil hindi ito papayagan ng pamahalaang panlalawigan para mapangalagaan ang kabundukan sa lugar.

Ang pamahalaang panlalawigan lamang aniya ang may karapatang maglagay ng istraktura para sa rescue team, evacuation center at para sa mga heavy equipment ng pamahalaan.

Ang pamahalaang lunsod ng Ilagan aniya ay naglaan ng relocation site na lilipatan ng mga illegal settlers na mapapaalis sa lugar matapos na gibain ang kanilang mga tirahan.

Sinabi pa ni Gov Dy na nais niyang magkaroon ng checkpoint sa kahabaan ng ginagawang daan para mahadlangan ang anumang pagbibiyahe ng mga semento, bakal o yero na gagamitin sa pagpapatayo ng anumang istraktura.

Nanawagan si Gov Dy sa mga illegal settlers na sumunod sa mga naunang napag-usapan sa mga dayalogo.

Ang tinig ni Gov. Bojie Dy

Samantala,sinabi ni City of Ilagan Information Officer Paul Bacungan na natalakay na ang isyung ito sa mga isinagawang dayalogo.

Handa ang pamahalaang lunsod na tulungan ang mga apektadong pamilya.

Ang tinig ni City Information Officer Paul Bacungan