--Ads--

CAUAYAN CITY  – Labing-apat na bayan sa Isabela mula sa 31 sa region 2 ang nakatugon sa unang deadline na itinakda ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para kumpletuhin ang pamamahagi ng ayuda sa Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Provincial Director Corazon Torribio ng DILG Isabela na noong May 4, 2020 ang unang itinakdang deadline ngunit pinalawig ng hanggang bukas, May 7, 2020.

Ayon kay Engr. Torribio, ang mga hindi nakatugon noong May 4 ay pinagawa nila ng catch up plan para malaman ang kanilang mga gagawing hakbang upang matapops na nila ang pamamahagi ng ayuda hanggang bukas.

Medyo masalimuot aniya dahil maraming isyu at reklamo sa pamamahagi ng ayuda na natagalan dahil sa ginawang validation ng DSWD.

--Ads--

Bukod dito ay nadagdagan din ang mga benepisaryo tulad ng mga barangay tanod at barangay health workers na mahirap din ang pamumuhay.

Ayon kay Engr. Torribio, kabilang ang mga Lunsod ng Ilagan na may 91 barangays at ang Lunsod ng Cauayan na may 65 barangay ang nahirapan sa pag-validate.

Maging ang DILG Isabela ay nakatanggap ng maraming reklamo mula sa mga hindi nabigyan ng ayuda.

Ini-refer nila ito sa mga pambayang tanggapan ng DSWD dahil mayroong grievance mechanism ang mga ito

Dito sa Lambak ng Cagayan ay 31 na Local Government Units (LGU’s) na ang nakakumpleto na pagbibigay ng ayuda mula sa SAP.

Sa Isabela, kabilang sa mga nakakumpleto na ay ang mga bayan ng Alicia, Angadanan, Burgos, Cabagan, Cabatuan, Cordon, Delfin Albano, Luna, Naguilian, Palanan, Quezon, Reina Mercedes,   San Guillermo at  Sta. Maria.

Kahapon ay nakapagbigay na ng report ang San Mariano at maaaring ang iba pang LGU ay ngayong araw o bukas.

Samantala, nagbabala si Engr. Torribio  sa mga  barangay na huwag alisin ang mga nakapaskil na pangalan ng mga benepisaryo ng SAP sa mga barangay hall.

Dapat maipost din sa kanilang social media para sa transparency.

Ang tinig ni Provincial Director Corazon Torribio ng DILG Isabela