
CAUAYAN CITY – Tiniyak ng Sangguniang Bayan ng Gamu, Isabela na tutugunan ang reklamo hinggil sa serbisyo ng Gamu Water District.
Isang concerned citizen sa Gamu, Isabela ang dumulog sa Bombo Radyo Cauayan hinggil sa kawalan ng daloy ng tubig tuwing umaga hanggang hapon.
Sinabi ng concerned citizen na nag-iipon sila ng tubig tuwing gabi ngunit malaking suliranin nila kapag naubos na nila ang kanilang naipon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Vice Mayor Nestor Lacerna na matagal nang walang naidulog na problema sa kanila hinggil sa serbisyo ng Gamu Water District kaya nagpapasalamat sila sa paglabas ng hinaing ng isang concerned citizen.
Ipapatawag nila sa sesyon sa Lunes ng Sangguniang Bayan ang mga opisyal ng water district para talakayin ang reklamo hinggil sa suplay ng tubig sa ilang barangay sa Gamu, Isabela.
Ayon kay Vice Mayor Lacerna, mayroon nang reklamo noon hinggil sa tustos ng tubig at ang hindi malinis na kalidad ng tubig.
Iminungkahi nila noon na dapat may kasamang miyembro ng kanilang committee sa pagpapatesting sa kalidad ng tubig ng GWD dahil may hinala silang malinis na tubig ang ipinasuri nila at hindi galing mismo sa suplay ng water district kaya pumasa sa test.
Tiniyak ni Vice Mayor Lacerna na gagawa ng hakbang ang Sangguniang Bayan kung hindi tutugunan ng GWD ang mga reklamo.




