
CAUAYAN CITY – Binigyan ng pagpupugay o tribute ng Italian Government ang libu-libong namatay sa Coronavirus Disease (COVID-19) sa pamamagitan ng pagpapalipad ng walong eroplano.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Malyn Blaza Macuja, Overseas Filipino Worker (Ofw) sa Italy na tubong Roxas, Isabela na naging emosyunal ang mga italian nang makita ang paglipad ng walong eroplano sa itaas ng Duomo Cathedral sa Milan.
Ang Duomo Cathedral ay isa sa mga tourist spot sa Italy na napapalibutan ng mahigit 500,000 na rebulto at hindi tumitigil ang mga tagalinis nito.
Kasabay ng paglipad ng walong eroplano ay ang pagbuga nito ng usok na berde, pula at puti na mga kulay ng bandila ng Italya.
Ginawa ng Italian Government ang pagpupugay bago ang pagdiriwang ng Republic Day June 2, 2020.
Ayon kay Macuja, ito ang kauna-unahang pagkakataon na muling nagsama-sama ang mga Italiano upang panoorin ang paglipad ng walong eroplano matapos ipatupad ang lockdown sa kanilang bansa dahil sa COVID-19.
Isinisigaw ng mga tao ang “Bravo at Forza Italia!” na ang ibig sabihin ay kakayanin nila ang pagsubok na dulot ng COVID-19.










