
CAUAYAN CITY – Iniimbestigahan pa ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Echague, Isabela ang tunay na dahilan ng pagkasunog ng isang bahay sa Annafunan, Echague, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SFO2 Rainier San Gabriel Gante, deputy firemarshall ng BFP Echague, sinabi niya na ang nasunog na bahay ay pag-aari ni Manuel Nicolas.
Wala sa kaniyang bahay si Nicolas nang maganap ang sunog at mga kapitbahay ang nakapansin na nasusunog na ang extension ng bahay.
Ayon kay SFO2 Gante, kasamang natupok ng apoy ng mga kagamitan ng pamilya Nicolas na naka-imbak sa extension house.
Umabot sa second alarm ang sunog na nagsimula dakong 3:07 kahapon at kinailangan ang tulong ng mga fire station ng Alicia, Angadanan, Isabela at Lunsod ng Santiago upang ganap na maapula ang sunog dakong alas kuwatro ng hapon.










