CAUAYAN CITY – Nagpositibo sa Coronavirus Disease (COVID-19 ang bise gobernador ng lalawigan ng Nueva Vizcaya.
Kinumpirma mismo ito ni Vice Governor Jose ‘Tam-an’ Tomas Sr. sa pamamagitan ng kanyang facebook page.
Batay sa kanyang post, natanggap niya ang resulta ng kanyang swab test kahapon, April 1, 2021 at nagpositibo siya sa COVID-19.
Naka-admit ang bise gobernador sa isang ospital at isinalalim na rin sa RT-PCR test ang kanyang mga kamag-anak at kawani na kanyang nakasalamuha sa mga nagdaang araw.
Nagpapasalamat siya na naka-lockdown na ang Sangguniang Panlalawigan halos dalawang linggo na ang nakalipas at lahat ay naka-work from home.
Ayon kay Vice Governor Tomas, sa mga nagdaang araw ay nakaramdam na siya ng trangkaso kaya sumailalim sa antigen test ng dalawang beses mula noong March 21, 2021 at negatibo naman sa COVID-19.
Gayunman ay sumailalim pa rin siya sa strict quarantine ngunit kahapon ay nagpa-admit na siya sa ospital dahil naranasan niya ang hirap sa paghinga.
Bilang protocol ay agad siyang isinailalim sa rapid test at nagpositibo sa COVID-19.
Kahapon ay natanggap ni Vice Gov. Tomas ang resulta ng kanyang swab test at pareho ang resulta.
Humiling ng dasal si Vice Gov. Tomas para sa kanyang paggaling at lahat ng mga tinamaan ng COVID-19 gayundin na pinayuhan niya ang lahat na sumunod sa mga health protocol saan man magpunta.






