--Ads--

Nagpapatuloy ang power restoration ng mga linemen ng Isabela Electric Cooperative (ISELCO 1) sa kanilang nasasakupan matapos masira ang mga linya ng kuryente dahil sa pananalasa ng Bagyong Uwan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Glennmark Aquino, General Manager ng ISELCO 1, mula kagabi ay naibalik na nila ang 69% ng tustos ng kuryente sa kanilang area of responsibility. Pangunahin dito ang mga bayan ng Cabatuan, Reina Mercedes, San Agustin, San Mateo, at Luna, Isabela.

Aniya, ang iba pang lugar ay patuloy pa ring inaayos dahil sa lawak ng pinsala ng bagyo, kaya’t pinalawig nila ang operasyon hanggang alas-dose ng hatinggabi upang mapabilis ang pagkumpuni.

Isa sa mga nagpapabagal sa restorasyon ay ang mga punong kahoy na sumabit sa mga linya ng kuryente, na kinakailangang tanggalin gamit ang chainsaw. Pahirapan din ang pagsasaayos sa mga poste na nasa gitna ng palayan dahil sa malambot na lupa dulot ng pagbaha, na nagpapahirap sa pagtatayo ng bagong poste.

--Ads--

Mayroon ding ilang lugar, partikular sa ilang barangay ng Cauayan City, na hindi agad mapuntahan dahil sa baha, kaya kinakailangan munang dumaan sa Naguilian bago maabot ang mga ito.

Aniya, inuna nila ang main transmission line, maliban sa mga binabahang lugar, at susunod na ang barangay-level restoration, na target nilang matapos hanggang Lunes. Nilinaw niya na ang barangay level ay hindi pa kasama ang mga sitio, purok, at kabahayan na nagkaroon ng loose connection.

Nilinaw naman niya na mas mabilis ang restorasyon sa ilang lugar dahil sa madali ang access ng mga linemen at mas kaunti ang pinsala sa linya, habang mas matagal naman sa iba dahil sa hadlang sa daan, pagbaha, at malubhang pinsala sa linya ng kuryente.

Paalala niya sa mga household na may kuryente na sa kanilang lugar ngunit wala pa sa kanilang bahay, na magtungo o tumawag sa opisina ng ISELCO upang ipaayos sa mga service dropping personnel.