
CAUAYAN CITY – Ipinagmalaki ni Labor Secretary Bello III na mataas ang employment rate sa bansa na ipapamana niya kay Incoming Secretary Bienvenido Laguesma.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Kalihim Bello na bagamat dumaan ang bansa sa COVID-19 pandemic ay nakarecover at gumanda ang employment rate na tumaas ng 2%.
Samantala, sinabi ni Kalihim Bello, hindi naiiba ang papalit sa kanya dahil sa brod niya at regular visitor sa kanyang opisina kaya walang bago sa kanilang pagsasama
Nag-usap na ang kanilang Transition Committee at napagkasunduan na sa July 1, 2022 isasagawa ang turnover ceremony batay sa kagustuhan ni Incoming Secretary Laguesma.
Ayon kay Kalihim Bello, wala siyang ipapayo na ipagpapatuloy ni Laguesma na programa ng DOLE dahil kabisado ng bagong kalihim ang kagawaran.
Si Laguesma ay nagsilbing kalihim ng DOLE noong panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Joseph Estrada.
Mananatili rin sa puwesto ang mga regional at provincial officer ng DOLE dahil sila ay mga career officials.
Ang pribilehiyo aniya ng susunod na kalihim ay puwede niyang italaga sa ibang rehiyon ang mga career officials.
Tiniyak ni Kalihim Bello na sa panahon ng kanyang panunungkulan ay inalagaan niya ang interes ng mga manggagawa lalo na ang constitutional right sa security of tenure.
Sa mga overseas workers aniya ay ginawa ang lahat ng DOLE para mabigyan ng tamang pagtrato ng kanilang amo.




