CAUAYAN CITY – Nasawi ang mag-asawa sa banggaan kaninang umaga ng motorsiklo at kotse sa pambansang lansangan sa Nungnungan 2, Cauayan City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, patungo ang motorsiklo sa barangay Alinam at nang makarating sa nasabing lugar ay nakasalubong ang isang kotse mula sa Alicia, Isabela at papasok sa kanto ng Pinoma, Cauayan City.
Ayon sa mga nakakita sa pangyayari, walang nagbigayan sa dalawang sasakyan kaya naganap ang banggaan.
Ang mga biktima na sina William Dela Cruz at asawang Emmalyn na residente ng Minante 2, Cauayan City ay patungo sa kanilang pinagta-trabahuan na rice mill sa Alinam, Cauayan City nang mangyari ang aksidente.
Nagtamo ng malalang sugat sa ulo ang mag-asawa na isinugod sa ospital ngunit binawian ng buhay.
Kusang sumuko ang tsuper ng kotse at mga kasama sa Echague Police Station at ipinasakamay sa Cauayan City Police Station.
Determinado ang pamilya ng mag-asawa na sampahan ng kaso ang tsuper na nakabangga sa kanila.