--Ads--

CAUAYAN CITY – Bagsak sa kulungan ang pitong kababaihan matapos na maaktuhang nagsusugal sa Minante dos, Cauayan City.

Ang mga suspek ay itinago sa pangalang Ana, 73-anyos, isang balo, Linda, 53-anyos, may asawa, Minda, 58-anyos, may asawa, laborer at mga residente ng Barangay Minante Uno, Jessy, 38-anyos, may asawa, at residente ng Brgy. Alinam, Rita, 56-anyos, may asawa, laborer; Myrna, 22-anyos, dalaga, magsasaka at Weng, 40-anyos, may asawa at pawang residente ng Minante 2, Cauayan City.

Ayon sa pagsisiyasat ng Cauayan City Police Station, alas kuwatro ng hapon kahapon nang nakatanggap sila ng impormasyong may mga taong nagsusugal partikular ang Pepito sa isang bakanteng lote sa ilalim ng isang puno malapit sa bahay ng nagngangalang Lodimar Pagaduan sa Purok 2, Minante 2, Cauayan City.

Agad na tinungo ng mga kasapi ng pulisya ang lugar at naaresto ang mga suspek na kasalukuyang nagsusugal.

--Ads--

Nakumpiska sa kanilang pag-iingat ang pamustang nagkakahalaga ng P135, dalawang set ng baraha, isang mesa at tatlong upuan.

Dinala ang mga suspek kasama ang mga nakumpiskang ebidensya sa Cauayan City Police Station para sa kaukulang disposisyon.

Kasalukuyan nang nakakulong ang pitong kababaihan sa custodial facility ng Cauayan City Police Station at nakatakda silang isailalim sa inquest proceedings bukas, sa araw ng lunes kung saan kakasuhan sila ng paglabag sa PD 1602 (Anti Illegal Gambling Law).