CAUAYAN CITY – Umabot lamang sa 7 sa 29 na rice retailers na binisita ng Bantay Presyo Task Force ang nakasunod sa ipinapatupad na price ceiling sa bigas sa ikalawang rehiyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Technical Director Roberto Busania ng Department of Agriculture (DA) region 2, sinabi niya na sa Nueva Vizcaya pangunahin sa bayan ng Solano ay may tatlong retailers silang binisita habang sa Bayombong ay may lima.
Sa Tuguegarao City, Cagayan naman ay may limang retailers, anim sa lunsod ng Santiago, lima sa lunsod ng Ilagan at lima sa Maddela Quirino.
Batay sa report ng apat na team na nag-ikot sa mga retailers, pito lamang sa dalawamput siyam na retailers ang nakasunod sa price ceiling at ang kanilang ibinibentang bigas.
Umabot sa sampung rice retailers na nagbebenta ng regular milled rice ang hindi nakasunod habang labing anim ang hindi nasunod ang price cap sa well milled rice.
Tiniyak ni Regional Technical Director Busania na magpapatuloy ang kanilang monitoring kasama ang ibat ibang ahensya ng pamahalaan at para maikalat ang impormasyon sa mga rice retailers upang sila ay makasunod na sa price ceiling.