Labis ang kasiyahan ng anti-mining group sa Brgy. Bitnong, Dupax del Norte, Nueva Vizcaya matapos makalaya ang pito nilang kasamahan. Ipinawalang-bisa ng piskalya ang lahat ng kasong isinampa laban sa kanila kaugnay ng pagtutol sa pagmimina.
Nagsimula ang tensyon noong Enero 23 nang ipatupad ang Writ of Preliminary Injunction at magdeploy ang humigit-kumulang 800 pulis upang buwagin ang barikadang itinayo ng mga residente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Florentino Daynos, lider ng grupo, naging marahas ang dispersal. May mga hinila, naapakan, at agad ikinulong, kabilang ang mga kababaihan. Isang babae rin ang nadamay kahit pumunta lamang sa presinto para dalawin ang kanyang inang hinuli na.
Matapos buwagin ang barikada at bumalik ang mga residente sa kanilang lupain, iginiit ng kapulisan ang pagpapasok ng mga tubo at kagamitan ng Woogle Corporation para sa exploration. Mariing tinutulan ito ng grupo, na ayon sa kanila, lampas sa utos ng korte.
Dahil sa pagtutol, inaresto si Daynos at anim pang kasamahan. Lahat sila ay kinasuhan ng Direct Assault, Resistance and Disobedience to an Agent of Person in Authority, at Obstruction dahil sa human barricade na itinuturing na paglabag sa kautusan ni Judge Paul Attolba ng RTC Branch 30.
Noong Enero 26, ibinasura ng piskalya ang lahat ng kaso dahil kulang ang ebidensya. Para sa grupo, pinatatag nito ang kanilang paninindigan na hindi iiwan ang sinumang kasamahan sa gitna ng laban.
Iginiit ng anti-mining group na ang laban nila ay hindi laban sa kapulisan kundi sa mining companies na umano’y sumisira sa kabundukan at kabuhayan ng susunod na henerasyon. Nanawagan si Daynos sa mga opisyal ng gobyerno na pairalin ang katarungan at igalang ang karapatan ng komunidad at katutubo.
Sa kabila ng nangyari, tiniyak ng grupo na mananatiling kalmado at ipagpapatuloy ang paglaban sa legal na paraan upang ipagtanggol ang kanilang lupa, kabuhayan, at kinabukasan ng kanilang pamilya.











