Pitong katao ang nasawi habang mahigit 22,000 residente ang napilitang lumikas matapos hagupitin ng Tropical Storm Ramil na may international name na Fengshen ang hilaga at gitnang bahagi ng bansa nitong weekend.
Ayon sa PAGASA, lumabas na ng Philippine Area of Responsibility o PAR si Ramil noong Linggo ng gabi matapos tumawid sa Luzon at tinatahak na ngayon ang direksyon patungong South China Sea.
Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 65 kph at bugso na hanggang 80 kph.
Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council NDRRMC ngayong Lunes lima sa mga nasawi ay mula sa rehiyon ng Calabarzon habang dalawa naman ay mula sa Western Visayas.
Dalawa rin ang iniulat na nawawala sa Eastern Visayas at isa ang nasugatan sa Calabarzon.
Ayon pa sa NDRRMC may kabuuang 133,196 na katao mula sa apat na rehiyon ang naapektuhan ng bagyo bagama’t wala pa itong inilalabas na kabuuang halaga ng pinsala sa imprastraktura at agrikultura.
Isa sa mga biktima ay nalunod noong Sabado sa Roxas City, Capiz, matapos umapaw ang tubig sa mga mabababang lugar dahil sa mataas na alon.
Sa Pitogo, Quezon province limang katao kabilang ang dalawang bata ang nasawi habang natutulog nang mabagsakan ng malaking puno ng niyog ang kanilang bahay.
Ayon sa mga opisyal, nasunog na umano ng pamilya ang puno bago ang insidente upang patumbahin ito bilang pag-iingat ngunit bumagsak pa rin ito sa kanilang tahanan.
Ang bagyong Ramil ang ika-18 bagyong tumama sa bansa ngayong taon.
Ang pananalasa nito ay nangyari habang patuloy pang bumabangon ang ilang lalawigan sa Visayas at Mindanao mula sa mga nagdaang lindol na kumitil ng mahigit 80 na katao, libu-libong residente ang lumikas mula sa kanilang kabahayan, at sumira ng mahigit 134,000 bahay sa Cebu pa lamang.
Ang Pilipinas na nasa pagitan ng Pacific Ocean at South China Sea, ay tinatamaan ng humigit-kumulang 20 bagyo bawat taon at madalas ring niyayanig ng lindol at pagsabog ng mga bulkan, dahilan upang ituring itong isa sa mga pinaka-delikadong bansa sa mundo pagdating sa mga sakunang natural.











