CAUAYAN CITY- Pito katao ang kumpirmadong nasawi kasunod ng engkwentro sa pagitan ng pwersa ng militar at grupo sa pamumuno ni Kapitan Tamano Argasi, Commander Paradise, at Commander Macmod sa Barangay Tagudtungan, Bongo Island, Parang, Maguindanao del Norte.
Ayon sa Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR), nagsagawa ng Maritime Security Patrol (MarSecPat) ang Marine Battalion Landing Team 2 at 65th Force Reconnaissance Company sa pakikipag-ugnayan sa PNP PRO BAR matapos makatanggap ng mga ulat ng mga armadong lalaki sa lugar.
Dumating sa Barangay Tagudtungan ang Philippine Marines, sakay ng Small Unit Riverine Craft (SURC), nang sila ay paputukan ng mga hinihinalang miyembro ng grupo ni Commander Paradise.
Tumugon ang Marines, na humantong sa matinding palitan ng putok.
Ang armadong grupo ay iniulat na nakasakay sa labindalawang bangkang de-motor sa panahon ng sagupaan sa mga awtoridad.
Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), pitong miyembro ng armadong grupo ang napatay, kung saan tatlong bangkay ang narekober at apat na iba pa ang pinaniniwalaang nahulog sa dagat.
Nakarekober din ang militar ng iba’t ibang armas at mga bala mula sa mga armadong lalaki.
Kinumpirma ni PRO-BAR Regional Director PBGEN Romeo Macapaz na apat na bangkay ang narekober, habang biniberipika pa ang pagkakakilanlan.
Isang Philippine Marine ang nasugatan at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.
Patuloy ang imbestigasyon at paghahanap ng mga awtoridad sa mga miyembro ng grupo na nakatakas.