CAUAYAN CITY – Hindi madaanan ang pitong overflow bridges sa Isabela dahil sa pagtaas ng water level sa mga ilog bunsod ng mga nararanasang pag-ulan dulot ng tail end of a cold front.
Kabilang sa mga unpassable ang Alicaocao overflow bridge sa Cauayan City maging ang mga overflow bridges sa mga bayan ng Sto. Tomas at Sta Maria, Isabela gayundin sa Cabisera 8 sa Ilagan City.
Batay sa update ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) unpassable na rin ang Annafunan at Gucab overflow bridges sa Echague, Isabela.
Nananatiling passable ang Cabisera 5-19 overflow bridge sa Ilagan City at ang tulay sa San Agustin, Isabela.
Dahil sa patuloy na pag-ulan ay pinapayuhan ng PDRRMO ang mga malapit sa ilog at paanan ng bundok na maging alerto sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa.
Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Butch Estabillo, City of Ilagan Disaster Risk Reduction and Management Officer (CDRRMO) sinabi niya na isang maliit na tulay sa Cabisera 2 ang bumigay ang approach kahapon ng tanghali subalit tiniyak niya na hindi ito delikado dahil hindi naman ito nadadaanan.
Ang San Antonio Overflow Bridge naman ay hindi maaaring daanan ng mga light vehicles habang ang Anggasian bridge ay hindi na rin madaanan kahapon ng umaga.
Ayon kay Ginoong Estabillo, tuwing panahon ng tag-ulan ay minomonitor talaga nila ang nasabing mga tulay dahil talagang hindi madaanan ang ito kapag umaapaw ang tubig.
Idinagdag niya na sa ngayon ay wala namang nababahang lugar sa lunsod.















