
CAUAYAN CITY – Nakatakdang iuuwi sa kani-kanilang probinsya ang 7 mula sa 11 sundalo na nasawi sa combat operation kontra sa Abu Sayyaf Group (ASG) sa Patikul, Sulu.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan,inihayag ni Major Noriel Tayaban, Chief ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division na inaasahang bukas ay kanilang sasalubungin sa Tactical Operations Group 2 Philippine Air Force at isasabay ang paggawad ng military honor.
Anya 10 sa 11 sundalong nasawi ay dating organic member ng 5th ID mula sa tatlong Batallion at isang Brigade ang sumapi sa 11th Infantry Division nuong nakaraang taon kung saan dalawa rito ay tubong lalawigan ng Isabela, ang iba ay tubong lalawigan ng Nueva Ecija, Mt. Province at Cagayan.
Ayon kay Army Major Tayaban, nakahalf mast ngayon ang 5th ID bilang pagbibigay pugay at pagdadalamhati sa pagbibigay ng sakripisyo ng mga sundalong nasawi sa bakbakan sa pagganap ng kanilang tungkulin.
Magugunitang nagsasagawa ng combat operation ang mga tauhan ng 21st Infantry Batallion ng Philippine Army nang makasagupa ang nasa 40 miyembro ng ASG sa Patikul, Sulu.
Tumagal ang sagupaan ng halos isang oras bago tuluyang tumakas ang mga bandido.










