Ligtas na nailikas ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard District Northeastern Luzon ang pitong tripulante ng sumadsad na Motor Tugboat IROQUIS MOL sa bahagi ng Barangay Linao, Aparri, Cagayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay CG Ensign Ryan Joe Arellano ang tagapagsalita ng Coast Guard District Northeastern Luzon sinabi niya na humupa na ang hangin at malalakas na pag-alon na kanilang naranasan sa kanilang nasasakupan.
Aniya dahil sa malakas ang alon sa pananalasa ng Bagyong Kristine ay tinangay ang tugboat kung saan ang Kapitan ay si Nemecio Abique kasama ang pitong katao.
Agad na tumalon mula sa tugboat ang tatlo sa mga crew para humingi ng tulong habang naiwan ang apat nilang kasama maging ang kapitan na agad namang sinagip ng PCG personnel.
Ang naturang Motor tugboat ay nag-aasist umano sa iba pang mga barko sa bahagi ng Sta. Ana Cagayan subalit dahil sa masungit na panahon ay tinangay ng alon.
Ang lahat ng pitong tripulante maging ang kapitan ay nasa maayos nang kalagayan.