CAUAYAN CITY – Nasa 70% ng mga traditional jeepney driver sa Isabela ang hindi pa nakabalik sa pamamasada dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Ito ang inihayag ng tagapagsalita ng mga traditional jeepney driver sa Isabela na si Ginoong Rolando Sayago dahil pa rin sa kaunting bilang ng mga pasahero.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Sayago, sinabi niya na mahigit 20 na traditional jeepney pa lamang ang bumabiyahe ngayon mula sa Lunsod ng Cauayan patungo sa iba’t ibang bayan at lunsod sa Isabela.
Aniya, marami sa kanilang mga kapwa driver ang ayaw munang mamasada dahil sa kakaunting bilang ng mga pasahero.
Kaugnay nito ay karamihan sa mga tsuper ang nakatuon muna sa iba pang kabuhayan gaya ng pagsasaka at construction.
Ipinagpapasalamat naman ni Ginoong Sayago na may alternatibo pa ring kabuhayan ang kanyang mga kapwa tsuper na hindi pa nakakabalik sa pamamasada.
Patuloy na umaasa si Ginoong Sayago na makakatanggap ng tulong ang mga kapwa tsuper na hindi pa nakakabalik sa pamamasada.











