CAUAYAN CITY– Huminto pansamantala ang 70% ng mga nagtitinda ng karne ng baboy sa San Mariano, Isabela
Ang 30% naman ng mga pork meat vendor ay nagsusumikap na maghanap ng mga alagang baboy para maitinda sa kabila na umaabot na sa 230 pesos ang per kilo ng live weight habang ibinebenta naman ang karne ng baboy sa palengke ng 330 pesos hanggang 350 pesos kada kilo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Johnny Angoluan, Pangulo ng market vendors Association ng San Mariano na kung dati ay nakakapagbenta pa sila ng maramihan sa halagang 260 pesos kada kilo ng karne ng baboy ngayon ay hindi na.
Dumadayo pa ang ilang taga ibang bayan para bumili sa kanila ngunit kahit mayroon nang nabibiling baboy ay hindi na kayang bilhin ng mga mamimili ang karne ng baboy dahil sa sobrang mahal.
Dahil sa sobrang mahal ng karne ng baboy ay matumal na ang kanilang bentahan at marami na sa kanila ang humintong magtinda at naghanap na ng ibang mapagkakitaan.
Samantala, nagkakaroon na rin ng kakapusan sa delivery ng mga karne ng manok sa mga bayan at hinahati hati na lamang ang mga panindang manok sa mga tinutustusang bayan.