--Ads--

Tampok sa Bambanti Festival 2026 ang Giant Pancit Cabagan na niluto ng mga residente mula sa 26 na barangay ng bayan ng Cabagan nitong Enero 20, 2026, bilang pagpapakita ng mayamang kultura at pagkakaisa ng mga Isabelino.

May bigat na 208 kilograms ang miki nito at tinatayang 16 na talampakan ang haba ng giant Pancit Cabagan.

Ginamitan ito ng humigit-kumulang 200 kilograms ng karne, isang libong itlog ng pugo, at limang timba ng chicharon, na agad namang pinagsaluhan ng mga dumalo, kabilang ang mga kalahok sa job fair ng PESO Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Department of Tourism Region 2 Regional Director Alexander “Troy” Miano, sinabi niyang napakaganda ng konsepto ng giant Pancit Cabagan at mahalaga ang papel nito sa pagpapalakas ng gastro-tourism ng rehiyon dos.

--Ads--

Aniya, ang Pancit Cabagan ay halos isang daang taon nang tradisyon at sinasabing nadiskubre pa noong ika-18 siglo sa bayan ng Cabagan.

Dagdag pa ni RD Miano, naging pangunahing katuwang ng DOT ang Cabagan sa kauna-unahang Regional Pancit Festival noong nakaraang taon, dahilan upang piliin ng pamahalaang panlalawigan na i-feature ang Pancit Cabagan bilang signature dish hindi lamang ng Cabagan kundi ng buong Isabela.

Aniya, hindi man target ngayon ang world record, unti-unti itong hakbang upang mas makilala sa buong bansa ang tinaguriang “Queen of All Noodles in the Philippines.”

Samantala, ipinahayag ni Jayson Saquing, LNB President ng bayan ng Cabagan, ang kanyang kasiyahan dahil naipakilala sa buong lalawigan ang Pancit Cabagan.

Aniya, walong kilo ng miki ang niluto ng bawat barangay bilang simbolo ng pagkakaisa at pagmamalaki sa kanilang kultura.