CAUAYAN CITY – Umabot sa 719 na may-ari ng totally at partially damaged na bahay ang mabibigyan ng Emergency Shelter Assistance (ESA) kaugnay sa nagdaang bagyong Ulysses.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Romel Gamiao, head ng Disaster Risk Response Section ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) region 2 na tapos na ang isinagawa nilang validation noong Biyernes at naisumite na sa kanilang central office ang final rehabilitation report noong ika-17 ng Pebrero.
Aniya, sa naiulat na 1,415 na nasirang bahay ay 719 lamang ang nakapasa.
Sa naturang bilang ay 620 ang partially damaged habang 99 ang totally damaged.
Kabilang sa kanilang naging basehan kaya kalahati lamang ang na-qualify, ang benepisaryo ay dapat na may-ari ng bahay at hindi recipient ng kahit na anong shelter assistance na mula sa pamahalaan at ibang stakeholders.
Sa isinagawang validation ng kanilang mga kawani ay napag-alaman na nakatanggap na ng tulong ang iba mula sa National Housing Authority (NHA) at mayroon ding mga nabigyan na ng tulong ng ibang ahensya .
Ayon kay Ginoong Gamiao, makakatanggap ng 10,000 pesos ang totally damaged habang 5,000 pesos ang partially damaged.
Mayroon itong pondo na 6,194,300 pesos at umaasa sila na mas mabilis na maipalabas ang pondo para agad na maibigay sa mga benepisaryo.






