CAUAYAN CITY – Agaw-pansin sa mass wedding kaninang umaga bilang bahagi ng pagdiriwang ng Valentine’s Day ang mahigit 70 anyos na lolo at lola na kabilang sa mga ikinasal sa community center ng Ilagan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mr. Paul Bacungan, Ilagan City Information Officer na 324 na pares ang mga ikinasal sa mass wedding na taun-taong isinasagawa ng Pamahalaang Lunsod tuwing Valentine’s Day.
Kapansin-pansin sa naturang aktibidad sina Luis Cabalonga, 75 anyos na lolo at Erlinda Cabalonga, 74 anyos na kanyang asawa.
Kabilang sa mga sumailalim sa mass wedding ang 75 anyos na lolo at ang 74 anyos na lola na ngayon lamang ikinasal matapos ang mahigit 50 taon na nagsasama.
Sinabi ng lola na 18 anyos lamang siya nang magsama sila ng kanyang mister at hindi nagpakasal dahil sa kahirapan sa buhay.
Wala na sana silang balak magpakasal dahil masaya naman ang kanilang pagsasama ngunit kailangan ng kanilang mga anak ang kanilang marriage contract kapag nag-aaplay ng trabaho.
Kabilang din sa mga ikinasal ang ilang katutubong Agta habang 3 ang nagpakasal na buntis.
Bukod sa Ilagan City, ay daan-daang din ang sumailalim sa mass wedding na handog ng Pamahalaang Lunsod ng Santiago City at San Mateo ngayong araw ng mga puso.