CAUAYAN CITY – Labis na nagdadalamhati ngayon ang pamilya ng 8 biktima ng pagkalunod sa ilog at isang biktima ng pamamaril na naganap sa Isabela noong Biyernes Santo at Sabado de Gloria.
Tatlo ang nalunod noong Biyernes Santo habang 4 noong Sabado de Gloria sa Cauayan City, Ilagan City, Reina Mercedes, Luna at Angadanan, Isabela.
Sa Cauayan City ay labis ang pighati ngayon ng mga pamilya ng 3 magkakaibigan na sina Rachel Domingo, Rhea Labog at Carla Jane Maramag, pawang 12 anyos at nagtapos lamang ngayong Abril sa grade 6 na may honors.
Kasama ng mga bata ang mga kamag-anak na nag-picnic sa Cagayan River at sila ay nalunod matapos tangayin ng malakas na agos ng tubig.
Patuloy na pinaghahanap ang katawan ng magsasaka na si Rodolfo Talamayan, 49 anyos na nalunod noong Biyernes Santo sa Cagayan River na sakop ng Calaccab Angadanan, Isabela.
Samantala, natagpuan na ng mga rescue team ang 4 na iba pang nalunod na kinabibilangan ni Glen Mey Dela Cruz, 19 anyos, residente ng San Fermin, Cauayan City na nalunod sa ilog sa Lalog 2, Luna, Isabela.
Nailigtas ang dalawang kasama ni Dela Cruz nang tangayin sila ng malakas na agos ng tubig.
Natagpuan na rin ang bangkay nina Marvin Balisi, karpintero, 27 anyos, residente ng Allaguingan 2nd, Ilagan City na nalunod sa Pinacanauan River sa Ilagan City; Rolando Bautista, 45 anyos, residente ng Mansibang, Naguilian, Isabela na nalunod sa Cagayan River noong Biyernes Santo at Anthony Amin, 30 anyos, residente ng Rizaluna Alicia, Isabela ngunit nalunod sa Magat River sa Reina Mercedes, Isabela.
Samantala, patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para malaman ang motibo sa pagbaril at pagpatay noong Biyernes Santo sa Barangay 2, Jones, Isabela sa binatang si Bryan Paul Agsalda, 22 anyos at residente ng Bliss, San Isidro, Isabela.




