--Ads--

CAUAYAN CITY – Patay ang isang 8 anyos na batang lalaki habang nasugatan ang 6 na tao kabilang ang ilang menor de edad matapos bumangga ang isang kotse sa 2 nakaparadang sasakyan sa gilid ng national highway sa Guinatan, City of Ilagan.

Ang nasawi sa aksidente ay ang 8 anyos na si John Joaquin Bulan, residente ng Centro Poblacion, City of Ilagan.

Ang sinakyan ng mga biktima na Nissan sentra na may plakang PTS 904 ay minaneho ni Jet Alvie Salvador, 19 anyos, residente ng Calamagui 2nd, City of Ilagan.

Binabagtas ng kotse ang direksiyon ng Calamagui 2nd nang makarating sa pakurbadang bahagi ng daan ay nawalan ng kontrol sa manibela ang tsuper at nabangga ang isang Toyota Grandia na nakaparada sa shoulder ng daan.

--Ads--

Tinamaan din nang bahagya ang isang bahay pagkatapos ay tumama ang kotse sa isang cargo truck na nakaparada rin sa gilid ng daan.

Ang mga lulan ng kotse na nagtamo ng sugat sa kanilang katawan ay sina ni Jet Alvie Salvador, 19 anyos; Arnik Gangan, 16 anyos; John Francis Bulan, 35 anyos; John Rodel Bulan.19 anyos; Joshua Acera,16 anyos at si Exiquiel Calumaya, 18 anyos na pawang residente ng Lunsod ng Ilagan.

Sila ay isinugod sa Gov. Faustino S. Dy Memorial Hospital ngunit idineklarang dead on arrival ang bata.

Nagpositibo sa alcoholic breath test ang tsuper na si Jet Alvie Salvador.