
CAUAYAN CITY – Umabot na sa walong barangay ng Jones, Isabela ang naapektuhan ng African Swine Fever (ASF).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Municipal Administrator Renato Felipe ng Jones Isabela, sinabi niya na ang mga barangay na apektado na ng ASF sa kanilang bayan ay ang mga barangay ng Baragay Dos, Lacab, Payac, Diarao, Malannit, Pungpongan, Dipangit, at Linamanan.
Bukod dito ay kumuha na rin ng mga awtoridad ng blood sample sa mga baboy sa mga Barangay ng Linomot at Daligan.
Kaugnay nito ay itinigil muna ng LGU Jones ang pag-aangkat ng baboy sa ibang lugar at pagbabawal sa Uraga System.
Ayon kay Municipal Administrator Felipe, mahigit tatlong daan na ang kanilang naibaong baboy at posibleng aabot na rin sa libo ang lahat ng namatay na baboy na inilibing na lamang ng mga may-ari.
Sa kabila nito ay tiniyak ng Municipal Administrator na sapat pa rin ang karne ng baboy gayundin ang live weight sa kanilang bayan.
Nakiusap siya sa mga residente na makipagtulungan upang hindi na kumalat pa ang ASF sa naturang bayan.










