CAUAYAN CITY- Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ang walong katao kabilang ang anim na kasapi ng PNP-Special Action Force sa karambola ng tatlong sasakyan sa Barangay Bone South, Aritao, Nueva VIzcaya
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni SPO1 Alex Garcia, imbestigador ng Aritao Police Station, nag-ugat ang karambola ng mga sasakyan matapos umagaw ng linya ang isang mini dumtruck na pagmamay-ari ng LGU Alfonso Castañeda na minamaneho ni Eduardo Apostol,47 anyos, may asawa,kawani ng pamahalaan, residente ng Alfonso Castañeda, Nueva Vizcaya na noon ay patungong hilagang direksyon.
Nabangga ng dumptruck ang 6-wheeler PNP vehicle na minamaneho ni PO3 Christopher Daracan, 28 anyos, residente ng Naggasican, Santiago City.
Sa lakas ng pagkabangga ay nahagip din ng dumtruck ang sumusunod na mantra truck ng SAF Troopers na minamaneho ni PO2 Chester Cryd Mayamoy, 27 anyos na residente ng Pacdal, Baguio City.
Sa naturang banggaan ay tumilapon sa gilid ng daan ang dumptruck gayundin ang mga sasakyan ng SAF Troopers na nagresulta upang masugatan ang mga driver nito kabilang ang mga lulan nito na sina PO2 Nestor Estacio Jr, PO2 Vicente Tayo, PO2 Christian Surio, PO2 Mohammad Lee Aharul at Dacumos Gabugin, helper ng Mini dumptruck at residente ng Loglog, Alfonso Castañeda, Nueva Vizcaya.
Isinugod sa Nueva Vizcaya Provincial Hospital sa Bambang ang mga biktima upang malapatan ng lunas…
Ayon kay SPO1 Garcia agad ding inilipat ang isa sa myembro ng PNP SAF sa Maynila dahil sa kanyang eye injury. Aniya, luamlabas sa kanilang paunang pagsisiyasat na maaaring naidlip ang tsuper ng minidumptruck na dahilan upang mabangga nito ang kasalubong na convoy ng SAF troopers na patungong Maynila.