CAUAYAN CITY – Nadiskubre ng mga residente ang mga lumang bomba na pinaniniwalaang ginamit noong panahon ng giyera sa Pongto, Bato-Alatbang, Mayoyao, Ifugao.
Kinabibilangan ito ng isang 81 mm na bomba na may fuse at pitong 81 mm na walang fuse.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan sa Mayoyao Municipal Police Station, kasalukuyan ang road widening at paggawa ng rip rap sa harapan mismo ng presinto nang makita ng mga trabahador ang isang bomba.
Kaagad naman itong ipinagbigay alam sa mga pulis at nagsagawa ng clearing operation ang Ifugao Provincial Explosive and Canine Unit at nadiskubre nila ang pito pang karagdagang bomba sa lugar.
Ayon sa pulisya posibleng ginamit noong ikalawang digmaang pandaigdig ang mga bomba na puno na ng kalawang.
Batay sa mga lumang mapa ng Mayoyao, dating kampo ng mga hapon ang kinatatayuan mismo ng police station.
Mahigpit naman ang panawagan ng pulisya sa mga residente na ipagbigay alam sa kanila kung may makikita pang mga ganitong bomba dahil posible pa itong sumabog kahit ito ay luma na.











