--Ads--

CAUAYAN CITY – Naiproklama na dakong 9:45 kagabi ang 8 na nahalal na miyembro ng Sangguniang Bayan (SB) ng Jones, Isabela matapos ang special election na ginanap kahapon sa Dicamay I, Jones, Isabela.

Matatandaang naantala ang pagproklama sa mga nanalong konsehal ng Jones dahil sa pagsunog ng mga armadong lalaki sa bahagi ng 2 Vote Counting Machines (VCM) noong umaga ng ika-14 ng Mayo.

Hinarang sa Sta. Isabel, Jones, Isabela ng 7 suspek na sakay ng pick up ang dumptruck na sinakyan ng mga miyembro ng Electoral Board mula sa Dicamay I at Dicamay II at kinuha ang 2 VCM at iba pang election paraphernalia.

Ang SD card ng VCM mula sa Dicamay I ay kasama sa mga nasunog maging ang mahigit 200 na hindi pa nabasang balota kaya nagpasya ang Comelec En Banc na magpalabas ng resolusyon para isagawa ang special election.

--Ads--

Unang naiproklama ang mga nanalong mayor at bise mayor dahil hindi apektado ang kanilang mga nakuhang boto.

Muling nahalal si incumbent Mayor Leticia Sebastian habang si incumbent SB member Gaylord Gumpal ang nanalong bise mayor.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Election Officer Jewel Darius Pardines, sinabi niya na isinagawa nila kagabi ang proklamasyon matapos na dumating ang lahat ng mga kandidato.

Ang mga nahalal na SB members ay sina Evelyn Raspado, Suzette Sebastian, John Sabiniano, Julius Raspado, Villamor Bangloy, Jadiel Manolo Pandongan, Glen Albert Cabel at Arnulfo Colobong.

Nalaglag sa number 9 ang dating nasa number 8 na si Arlan Ramos dahil matapos maibilang ang resulta ng special election sa Dicamay I ay lumamang sa kanya si Colobong na nakakuha ng 7,762 votes.

Lumamang siya ng 35 votes sa mga nakuhang boto ni Ramos.