--Ads--

Walong person of interest ngayon ang iniimbestigahan ng Bontoc Municipal Police Station na sangkot sa pagkamatay ng 2nd year Criminology Student sa Samoki, Bontoc, Mountain Province.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Pmaj. Ryan Wakat ang hepe ng Bontoc Municipal Police Station, sinabi niya na naganap ang insidente alas dos ng madaling araw kung saan nagkaroon umano ng kaguluhan sa lugar kung saan isa sa mga nasangkot ang biktimang si Jeffgart Dongpopen, 21-anyos, 2nd year Criminology Student.

Nagpapatuloy ang malalimang imbestigasyon kaugnay sa naging ugat ng kaguluhan subalit batay sa salaysay ng kasama ng biktima, nang maganap ang pambubugbog ay hiningan umano ito ng sampung piso ng isa sa mga suspek na nauwi sa hindi pagkakaunawaan bago nagkagulo.

Batay sa pagtaya ng PNP aabot sa humigit kumulang dalawampung mga katao ang sangkot sa kaguluhan at sa ngayon hindi pa malinaw kung ilan ang nambugbug sa estudyante na humantong sa kanyang kamatayan.

--Ads--

Batay sa mga kasama ng biktima na may ilang sumali sa kaguluhan ang hindi nila kakilala kaya sinisikap nila ngayong tukuyin kung sinu-sino ang mga ito para malinawan ang pangyayari.

Ayon kay Pmaj. Wakat na ito na ang ikalawang beses na nakapagtala sila ng ganitong insidente ng kaguluhan.

Sa katunayan nagsagawa sila ng curfew rounds at isa ang naturang restobar sa kanilang ipinasara dakong alas diyes ng gabi subalit nang makaalis umano ang PNP patrol ay muling nagbukas ang bar dakong alas onse ng gabi.

Ito rin aniya ang oras kung saan nagtungo sa lugar ang biktima at mga kasamahan nito at ang  grupo ng mga suspek.