SOUTH KOREA- Isang guro ang nakapatay ng isang 8-taong-gulang na batang babae sa isang paaralan sa South Korea, isang insidenteng nagbigay ng matinding pagkabigla sa buong bansa.
Ang guro, na nasa kanyang 40s, ay umamin sa pananaksak sa estudyante sa lungsod ng Daejeon, ayon sa mga pulis.
Natagpuan ang batang babae na may mga saksak sa ikalawang palapag ng isang gusali ng paaralan bandang alas-6:00 ng hapon (09:00 GMT) noong Lunes at idineklara itong patay sa ospital. Ang guro ay natagpuan sa tabi ng biktima, na may mga saksak din na posibleng self-inflicted, ayon sa mga pulis.
Inutusan ng acting president ng South Korea na si Choi Sang-mok ang isang imbestigasyon tungkol sa insidente noong Martes at hinimok ang mga awtoridad na “magpatupad ng mga kinakailangang hakbang upang matiyak na hindi na mauulit ang ganitong mga insidente.”
Bilang pakikiramay ay nag-iwan ng mga bulaklak at isang stuffed doll ang mga residente sa gate ng paaralan, na isinara noong Martes matapos ang insidente.
Sa isang briefing ng mga pulis noong Martes, sinabi ni Yook Jong-myung, ang hepe ng Daejeon Western Police Station, na ang guro ay kasalukuyang nagpapagaling sa ospital, at may sugat sa leeg na kinailangan pang operahan.
Noong Disyembre 9, sinabi ng Daejeon education office na humiling ng anim na buwan na leave of absence ang guro dahil sa depresyon, ngunit bumalik siya sa paaralan 20 araw lang matapos siyang suriin ng doktor at maituring na fit to work.
Ayon kay Mr. Yook, sinabi ng guro na siya ay nagkaroon ng mga suicidal thoughts habang siya ay naka-leave.
Ilang araw bago ang insidente, ipinakita ng guro ang marahas na kilos, kabilang ang pagpilipit sa leeg ng isa pang guro, ayon sa education office.
Matapos ang insidente sa kapwa guro, inirekomenda ng education office na ilagay sa leave ang suspek at ilayo siya mula sa ibang guro.
Pinaupo siya malapit sa desk ng vice principal upang siya ay mabantayan nang maigi.
Hindi rin siya nagtuturo ng mga klase mula nang mag-leave noong Disyembre, at wala siyang kontak sa batang babae, ayon sa opisyal.
Ayon sa pahayag ng guro sa mga pulis, bumili siya ng armas noong araw ng insidente at dinala ito sa paaralan, at sinabi niyang balak niyang magpakamatay kasama ang isang bata.
Idinagdag niya na hindi niya “inisip kung aling bata ito,” at tinarget niya ang huling batang aalis. Inakit niya ang bata papunta sa media room bago siya inatake.
Iniulat na nawawala ang estudyante noong Lunes ng gabi pagkatapos ipaalam ng driver ng bus sa paaralan na hindi siya dumating upang sunduin noong araw na iyon.
Ang South Korea ay isang generally safe na bansa na may mahigpit na mga batas sa kontrol ng armas. Ngunit sa mga nakaraang taon, naharap ito sa ilang mataas na profile na mga krimen, kabilang na ang stabbing incidents.
“Masakit makita ang ganitong mga insidente dahil ang paaralan ay dapat na ang ating pinakaligtas na lugar,” sabi ni acting president Choi. “Nagbibigay ako ng malalim na pakikiramay sa pamilya ng biktima na nakaranas ng matinding pagkabigla at pasakit.”










