
CAUAYAN CITY – Umabot sa walong Vote Counting Machines (VCM) sa limang bayan at lunsod sa Isabela ang naitalang depektibo o may sira sa isinagawang final testing at sealing sa ibat ibang polling precinct ng Commission o Elections (COMELEC) Isabela.
Hindi naman ito dapat ikabahala dahil may nakahandang 30 na contingency na VCM para sa mainland Isabela bilang replacement o pamalit sa mga depektibong VCM.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Election Supervisor Michael Camangeg ng COMELEC Isabela, sinabi niya na kabilang sa mga nasiraan ng VC sa bayan ng ng Sta. Maria, Echague, Cabatuan, at mga Lunsod ng Cauayan at Ilagan.
Ilan sa mga depektibong VCM ay umusok, habang ang ilan ay nagkaroon problema sa scanner, may mga naitala ring depektibong SD cards.
Ayon kay Atty. Camangeg, inaasahan na muling makakapag-schedule ng testing atsealing ang mga election officers, isang araw bago ang halalan sa mga lugar kung saan may nasira o hindi gumaganang VCM.
Naka-preposition ang mga contingency VCM sa tanggapan ng COMELEC Isabela na agad namang ipapadala sa mga lugar na mangangailangan ng back up.
Sakaling magkaaberya ang VCM sa kasagsagan ng pagboto ng mga botante ay maaaring hintayin na maayos ang VCM para personal na i-feed sa machine ang kanilang balota.
Kung hindi mahihintay ng botanteng maayos ang VCM ay maaari nitong ideposit o ihulog ang balota sa official ballot box para maging tuluy-tuloy ang pagboto ng mga botante kahit na magkaaberya pa ang mga VCM sa kasagsagan ng halalan.
Kung mangyari ang aberya sa makina sa kasagsagan ng bilangan maaaring humiram ng makina sa ibang polling precinct alinsunod sa kanilang protocol.
May nakatalaga ring technical hub ang COMELEC Isabela kung saan dadalhin para ayusin at i-reformat ang mga masisirang SD cards na pangangasiwaan ng composite group mula sa Department of Science and Technology (DOST) at Department of Information and Communications Technology (DICT).
Sa kabuuan ay mas maganda ang resulta ng sealing at testing ng mga VCM’s ngayong halalan kumpara noong nakaraan dahil dalawang insidente lamang ng depektibong SD cards ang kanilang naitala at nasa 97% na ang kahandaan ng COMELEC Isabela para sa halalan sa lunes.




