
CAUAYAN CITY – Inaresto ang walong construction worker matapos maaktuhan ng mga kasapi ng Echague Police Station na gumagamit ng iligal na droga sa Soyung, Echague, Isabela.
Ang mga naaresto ay sina Darwin Barbara, Nolie Lagrimas, Reyno Medral, John Rey Bayonato, Bryan Delganten, Ernesto Germocio, Jenel Magbanua at Nelding Rosales.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Michael Esteban, hepe ng Echague Police Station, sinabi niya na dakong alas nuebe kinse kagabi ay nakatanggap sila ng impormasyon tungkol sa pot session sa isang bahay sa naturang lugar na agad nilang tinugunan at naaktuhan ang mga suspek na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Napag-alaman na pito sa mga nahuli ay mula sa Camarines Norte habang ang isa ay mula sa lalawigan ng Aurora.
Ayon kay PMaj Esteban, welder sila ng isang kumpanya na gumagawa ng facility.
Dumating ang mga suspek noong buwan ng Marso sa Echague, Isabela at noong nakaraang linggo ay napag-alaman nila na ilang trabahador ng isang kumpanya ang sangkot sa aktibidad sa iligal na droga.
Sinabi ng ilang suspek na gumagamit lamang sila ng droga para magkaroon sila ng lakas sa kanilang pagtatrabaho.
Itinanggi naman ng isa sa mga suspek na gumagamit siya ng iligal na droga kundi paminsan-minsang pag-inom lang ang kanilang ginagawa.
Nasamsam sa lugar ang isang sachet ng hinihinalang shabu na wala ng laman, gunting, aluminum foil at mga lighter at iba pang drug paraphernalia.
Inaalam na ng mga pulis kung saan binibili ng mga suspek ang ginagamit nilang iligal na droga subalit ayon sa isa sa mga nahuli ay may nagdadala nito sa lugar kung saan sila pansamantalang nanunuluyan.
Nasa kustodiya na ng Echague Police Station ang mga suspek na sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.










