
CAUAYAN CITY – Umabot sa 98 na examinees ang nagpositibo sa kanilang nasal antigen test, isang araw bago ang Licensure Examination for Teachers (LET) na gaganapin bukas sa Cauayan City National High School-Main (CCNHS) at Cauayan North Central School sa Cauayan City.
Ito ang ikalawang beses na gaganapin ang LET sa Cauayan City.
Una itong isinagawa sa lunsod noong Setyembre 2021.
Batay sa listahan ay aabot sa 1,500 ang mga examinees ngunit nabawasan ang nasabing bilang dahil sa mga nagpositibo sa antigen test.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Primitivo Gorospe, principal ng Cauayan City National High School, sinabi niya na ang naturang datos ay galing mismo kay SDO Medical Head Dr. Michael Juania.
Ang 98 na LET examinees na nagpositibo sa antigen test ay agad na isinailalim sa isolation at sinundo ng kanilang Local Government Unit (LGU) para isailalim sa kanilang quarantine o isolation facility.
Ayon kay Principal Gorospe, nakapanlulumong makita ang kalungkutan ng mga exminees na nagpositibo sa antigen test dahil nasayang ang ilang buwan nilang paghahanda sapagkat hindi na sila makakakuha ng pagsusulit bukas.




