--Ads--

Walumpung katutubong estudyante mula sa lalawigan ng Isabela ang nakiisa sa Indigenous Education and Advocacy Services (IPEAS) orientation at pagdiriwang ng Indigenous People (IP) International Day na ginanap sa Echague, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Educational Focal Person Shehemia Pumihic ng NCIP District 3, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng edukasyon para sa bawat katutubong mag-aaral. Aniya, minsan lamang sa isang taon ginagawa ang ganitong aktibidad kaya sinasamantala nila ang pagkakataon upang maipaliwanag ang tungkulin at responsibilidad ng mga estudyante sa kanilang institusyon.

Isa sa mga tinalakay sa orientation ang pagpapahalaga sa mga scholarship grant na ibinibigay ng NCIP-Isabela. Ayon kay Pumihic, malaking tulong ang regular at merit scholarship kung saan nakakatanggap ang mga benepisyaryo ng pera, kapalit ng pagpapanatili ng mataas na grado.

Hinikayat din niya ang mga katutubong mag-aaral na nais makakuha ng scholarship na magtungo sa mga community service center sa City of Ilagan, Cauayan City, San Mariano, at Santiago City upang magsumite ng kinakailangang dokumento.

--Ads--

Samantala, nagpaabot ng pasasalamat si Dikoy Malakasta, isang Agta mula Palanan, Isabela, sa pagiging bahagi ng mga iskolar ng NCIP. Aniya, malaking tulong ang scholarship grant para maipagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral at matulungan ang pamilya na makaahon sa kahirapan.

Kasalukuyan siyang nag-aaral sa Philippine Normal University – North Luzon, ngunit pangarap niyang kumuha ng kursong medisina. Ibinahagi niya na minsan ay hindi siya nakapagpagamot sa ospital dahil sa kakulangan sa pinansyal, kaya nais niyang maging doktor upang makatulong sa kanyang mga kababayang Agta.

SAMANATALA Pinasalamatan ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang patuloy na suporta ng pamahalaan sa sektor ng mga katutubo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Community Development Officer III Divine Lingan-Acoba ng NCIP-Isabela, sinabi niyang taun-taon ay nagsasagawa sila ng orientation para sa kanilang mga iskolar. Ito ay dahil may mga bagong grantee na pumapasok at mayroon ding mga nagtapos mula sa kanilang scholarship program.

Sa pamamagitan ng mga lecture para sa mga bagong iskolar, nalalaman ng mga ito ang kanilang mga responsibilidad at ang kahalagahan ng pagbibigay-halaga sa tulong na kanilang natatanggap mula sa NCIP.

Maliban sa orientation, dinaragdagan din ng ahensya ang programa ng iba pang mahahalagang paksa, gaya ng cultural sensitivity, upang maging gabay ng mga estudyante sa pakikisalamuha sa mas malawak na lipunan.

Paliwanag ni Acoba, mahalaga para sa mga estudyanteng katutubo na matutong mag-adapt sa bagong kapaligiran, lalo na sa mga unibersidad kung saan makakasalamuha nila ang iba’t ibang uri ng tao.

Kasama rin sa isinagawang orientation ang lecture tungkol sa health education, partikular para sa mga kabataang mag-aaral.

Dagdag ni Acoba, ang pangunahing tungkulin ng mga katutubong iskolar ay pagbutihin ang kanilang pag-aaral at mapanatili ang mataas na grado upang patuloy na makatanggap ng scholarship grants.

Marami na rin sa mga dating iskolar ng NCIP ang matagumpay na nakapagtapos at nakapagsimula ng kanilang mga propesyon, na ibinahagi nila bilang inspirasyon sa mga kalahok ng ginanap na orientation.