Nasa walumpung Indigineous People ang nabigyan ng Certificate of Confirmation (COC) noong 2025, ayon sa National Commission on Indigineous People (NCIP).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Vincent Paul Curibang, Tribal Affairs Assistant II ng NCIP Cauayan, sinabi niya na simula Enero hanggang Disyembre 2025 ay mayroong 16 applicants ang nabigyan ng age at height waiver, habang 62 applicants naman ang nabigyan ang Certificate of Identification.
Aniya, mahalaga ang COC para sa mga miyembro ng IP na nagnanais maging uniformed personnel na kulang sa height dahil sa pamamagitan nito, sila’y magiging exempted sa height requirement.
Nilinaw naman ni Curibang na hindi ibig sabihin na kapag ang isang indibidwal ay nagsasalita ng diyalekto ng mga IP ay awtomatiko na itong mabibigyan ng COC.
Mayroon kasi umanong test na isinasagawa ang tanggapan upang matukoy kung mayroon bang dugong IP ang isang indibidwal sa pamamagitan ng pagsagot sa genealogy form.
Tumatagal naman ng apat na araw ang proseso bago mabigayan ng COC ang isang applicant dahil na rin sa ilan pang mga pagsusuri na ginagawa ng tanggapan tulad na lamang ng pagsasagawa ng background investigation.
Maliban sa Lungsod ng Cauayan ay sakop din ng NCIP Cauayan ang bayan ng Luna, San Mateo, Angadanan, San Guillermo, Alicia, at Palanan.









