Matagumpay na naitanim ang walong daang bamboo seedlings at iba pang tree seedlings sa isinagawang simultaneous tree at bamboo planting activity ng LGU at MENRO San Mateo Isabela kahapon.
Ito ay bilang pakikiisa ng lokal na pamahalaan sa World Bamboo Day at Philippine Bamboo Month.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay MENRO Jonathan Neil Galapon ng San Mateo Isabela sinabi niya na umabot sa apat na raang bamboo seedlings, dalawandaang Mahogany, dalawandaang G-melina, limampung Acacia at sampung santol seedlings ang itinanim sa pampang ng ilog na bahagi ng Bagong Sikat at Marasat Pequeño, San Mateo, Isabela.
Nakiisa naman sa nasabing tree planting activity ang mga kawani ng LGU San Mateo, Sangguniang Bayan, Liga ng mga barangay, PNP San Mateo, Samahang Maalab, Lady Eagles Club, Samahang Ilocano, PGBI at KGBI.
Nakibahagi rin sa aktibidad ang Department of Trade and Industry o DTI maging ang mga mangingisda sa Ilog Magat.
Ayon kay MENRO Galapon, isinagawa nila ang nasabing aktibidad dahil sa nangyayaring desiltation sa mga ilog na epekto ng climate change.
Aniya nasisira ang mga pampang ng ilog kaya nagbabago ang agos nito at naapektuhan ang mga sakahan na malapit dito.
Upang maiwasan na ito ay itinanim ang mga bamboo seedlings at iba pang uri ng punongkahoy bilang suporta sa lupa at hindi gumuho kapag tumaas ang lebel ng tubig sa ilog.
Napili nilang itanim ang bamboo seedlings dahil mabilis itong lumaki at matibay na makakapigil ng soil errossion sa mga gilid ng ilog.
Malaki rin ang pakinabang nito bilang alternatibo sa kahoy na gamit sa paggawa ng bahay at maari rin itong pagkakitaan.
Sa ngayon ay plano nilang matamnan ng anumang punong kahoy ang sakop na ilog ng bayan ng San Mateo upang maiwasan na ang pagbaha at paggguho ng lupa lalo na sa mga ilog.