--Ads--

Umabot sa walong daang pamilya ang apektado ng pagbahang dulot ng malalakas na pag-ulang dala ng bagyong Mirasol sa bahagi ng Roxas Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Norman Ceasar Sinaban ng MDRRMO Roxas Isabela sinabi niya na ang mga barangay na apektado ng pagbaha ay ang Bantug, Imbiao, San Antonio, Rizal, San Jose, San Rafael, Sinamar, Simimbaan at Sotero Nuesa.

Aniya karamihan sa nasabing mga barangay ay nasa tabi ng sapa o low lying areas.

Dahil sa lakas ng ulan ay umapaw ang mga sapa at umabot ang tubig sa mga sakahan hanggang sa mga kabahayan.

--Ads--

Batay sa kanilang talaan mula tanghali kahapon, umabot sa 837 pamilya na binubuo ng 2,810 indibidwal ang naapektuhan ng pagbaha.

Hindi naman lahat sa mga ito ay lumikas dahil ang iba ay nanatili sakanilang mga bahay habang ang iba ay sa kanilang kamag-anak o kapitbahay.

Ang tanging inilikas lamang ng MDRRMO ay ang mga maysakit, senior citizen na dinala sa evacuation center ng barangay.

Karamihan naman sa mga evacuees ay nakabalik na sa kanilang mga bahay dahil bumaba na ang lebel ng tubig baha.

Umabot kasi hanggang tuhod ang tubig baha at nalubog na ang ilang mga bahay pangunahin sa Brgy. Sotero Nuesa.

Bilang tulong ay nagpapamahagi na ng family food packs ang MDRRMO mula sa lokal na pamahalaan.

Ang mga kasapi ng MDRRMO kasama ang BFP at PNP ay nasa Sotero Nuesa upang tumulong sa pagsasaayos sa binahang eskwelahan sa lugar upang may magamit ang mga estudyante sa pagbabalik nila sa pag-aaral.