--Ads--

CAUAYAN CITY- Nasabat ng mga otoridad ang nasa P840,000 na halaga ng marijuana mula sa isang pasahero ng bus sa Buscalan, Kalinga.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Ruff Manganip, Information Officer ng Kalinga Police Provincial Office sinabi niya na nagsagawa ng random check point ang 2nd PMFC sa mga sasakyang dumadaan sa lugar kung saan ang suspek ay lulan ng isang pampasaherong bus na mula Tinglayan, Kalinga patungong Bontoc, Mt. Province.

Ayon kay PCapt. Manganip, nagkataon na nakabukas ang bag ng suspek na residente pa ng Tanay, Rizal at doon tumambad ang nasa pitong bricks at isang tubular  marijuana dried leaves at stalks with fruiting tops na tumitimbang ng mahigit kumulang 7,000 grams na mayroong Standard Drug Price (SDP) na Php840, 000.00.

Lumalabas sa kanilang pagsisiyasat sa dumayo ang suspek sa Kalinga at nagpanggap bilang turista subalit ang tunay na sadya nito sa probinsya ay ang kumuha ng suplay ng marijuana.

--Ads--

Hindi na aniya bago ang ganitong modus ng mga kumukuha o bumibili ng marijuana sa Kalinga dahil ilang ulit na silang nakadakip ng drug personalities na nagpapanggap bilang mga turista.

Karaniwang idinadahilan ng mga nadadakip ay gagamitin nila ang marijuana bilang gamot subalit ang katunayan ay ibinebenta rin nila ito sa labas ng probinsya.