CAUAYAN CITY – Umabot sa 81 wanted person ang naaresto ng mga kapulisan sa Isabela sa kanilang isang linggong anti criminality law enforcement operation.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCapt. Scarlette Topinio, tagapagsalita ng Isabela Police Provincial Office na sa 81 na naaresto sa iba’t ibang munisipalidad sa lalawigan ay 52 ang naaresto na may warrant of arrest.
Kabilang ang ilang top most wanted person tulad ng regional level top 1, top 8 at top 9.
Mayroon ding provincial level na top 7 at top 3.
Aniya, karamihan sa kanila ay panggagahasa ang kinakaharap na kaso.
Ayon pa kay PCapt. Topinio, kabilang din sa mga naaresto ang 28 may paglabag sa Presidential Decree 1602 o anti illegal gambling.
Nagbabala ang Isabela Police Provincial Office sa mga indibiduwal na nagtatago dahil sa nagawang krimen na wala silang kalalagyan sa lalawigan dahil hindi hihinto ang mga pulis para mahuli ang mga lumabag sa batas.
Samantala, umabot naman sa 49 ang naipasakamay sa kapulisan na mga baril at isa ang naaresto dahil sa paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).
Pagdating naman sa kanilang kampanya kontra sa insurhensiya ay may 15 dating Communist Terrorist Group (CTG) supporters na boluntaryong sumuko sa kapulisan.
Tinig ni PCapt. Scarlette Topinio.