CAUAYAN CITY – Dumating kaninang madaling araw ang apat na bus na lulan ang halos 82 Locally Stranded Individuals (LSI) mula sa Metro Manila.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Santiago City Police Office (SCPO), dakong alas dos kaninang madaling araw nang dumating ang apat na Partas Bus lulan ang mga LSI patungong lalawigan ng Quirino, Isabela at mga Lunsod ng Santiago at Tuguegarao.
Sa Cordon, Isabela ay ibinaba na ang 27 LSI na uuwi sa iba’t ibang bayan at lunsod sa Isabela habang ibinaba ang 55 sa Balay Sagipan, Dariuk Hills, Barangay Balintocatoc, Santiago City na itinalagang drop off point ng pamahalaang lunsod.
Sa 55 na LSI ay 41 ang uuwi sa lalawigan ng Quirino at sinundo na ng mga kawani ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) habang idineretso na sa Quarantine Facility ng Santiago City ang tatlong LSI na residente sa lunsod.
Ang 12 na LSI ay uuwi sa Lunsod ng Tuguegarao.
Pinangunahan ng SCPO, Department of Health (DOH) region 2 at LGU Santiago City ang pagbibigay ng assistance sa mga dumating na LSI.






