--Ads--

CAUAYAN CITY – Negatibo sa COVID-19 ang matandang babae na tumalon mula sa ikatlong palapag ng COVID ward ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City.

Unang inihayag ng anak ng matanda na paano magagawa ng kanyang ina ang pagtalon mula sa bintana ng kanyang isolation room kung siya ay bed ridden.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Glenn Mathew Baggao, Medical Center Chief ng CVMC, sinabi niya na batay sa kuha ng CCTV sa ospital ay nakita ang pasyente na naglalakad sa hallway.

Unang sinabi umano ng pasyente na gusto na niyang umuwi ngunit pinigilan siya ng mga nurse dahil siya ay suspect case ng COVID-19.

--Ads--

Ayon kay Dr. Baggao, ang maari lamang na batayan para pauwiin ang pasyente ay ang resulta ng laboratory test at dahil wala pa ang resulta nito ay hindi pa siya puwedeng pauwiin.

Pumasok umano ang matanda sa kanyang kuwarto at hindi na nila namonitor ang kanyang ginawa.

Nalaman na lamang nila na wala na siya sa kanyang kuwarto kasabay ng pagkakaroon ng komosyon sa baba matapos tumalon sa bintana ng kanyang kuwarto.

Ayon kay Dr. Baggao, maliit ang bintana ng kanilang mga isolation room subalit kung titingnan ang katawan ng pasyente ay magkakasya siya dahil bukod sa maliit ay payat ang senior citizen.

Sinabi pa ni Dr. Baggao na may nakita silang upuan sa tabi ng bintana at maaring ito ang kanyang ginamit para makaakyat.

Dagdag pa ni Dr. Baggao na hindi nila nakitaan ng senyales ang matanda na kayang magpakamatay dahil siya ay masayahin.

Nang dumating siya sa CVMC ay mayroon siyang pneumonia, highblood at dementia pero ito ay nagamot kaya lumakas at naging stable ang kanyang kondisyon.

Ang nakikita nilang rason kaya niya ito nagawa ay dahil gustung-gusto na niyang umuwi.

Ayon pa kay kay Dr. Baggao, natanggap na nila ang resulta ng laboratory ng pasyente kahapon at ito ay negatibo sa COVID-19.

Nakausap na ni Dr. Baggao ang dalawang anak at manugang ng pasyente at ipinaliwanag ang pangyayari gayundin na ipinakita nila ang mga kuha ng CCTV.

Pagkatapos ang isinagawa nilang imbestigasyon ay kinausap niya ang lahat ng mga nurse sa kanilang COVID ward para dagdagan ang pagiging alerto.

Ginawa na nilang kada 30 minuto ang gagawin nilang pag-iikot sa silid ng lahat ng mga pasyente.

Inatasan na rin nila ang kanilang mga engineer na palagyan ng grills ang mga bintana ng gusali ng CVMC.

Ang tinig ni Dr. Glenn Matthew Baggao