CAUAYAN CITY – Naghayag ng sama ng loob ang ama ng batang nalunod sa ilog magat na sakop ng Del Pilar, Cabatuan, Isabela.
Ito ay dahil 6 na taon na hindi sila nagkita at nang muling makita ay bangkay na ang bata.
Matatandaang nasawi sa pagkalunod sa ilog ang 9 anyos na si Nicole Sarah ng San Fermin, Cauayan City habang nakaligtas ang pinsan na si Jinprix Sara.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay G. Michael Arce ng Cabaruan,Cauayan City, sinabi niya na ang anak na si Nicole ay 3 anyos pa lamang nang huli niyang makita.
Masakit para sa kanya na hindi sinabi sa kanya na mahigit isang taon nang nasa cauayan City ang anak at nag-aaral dito ngunit hindi sinabi sa kanya.
Ang alam niya ay nasa Taltal, Masinloc, Zambales ang anak dahil tagaroon ang kanyang ina na nakilala niya noong nagtrabaho siya sa nasabing lugar.
Mayroon nang ibang kinakasama ang ina ng bata.
Sinabi ni Arce na hindi siya nagpalit ng sim card sa pag-asang i-text o tawagan siya ng anak.
Nagkaroon aniya ng kapabayaan kaya nauwi sa trahedya ang masaya sanang piknik sa ilog.
Sinabi sa kanya ng ina ng bata na nakabihis na ngunit biglang nawala at natagpuan sa ilalim ng tubig nang sumisid ang kanyang amain o stepfather.
Inamin ni Arce na may pagkukulang siya sa anak ngunit hindi dapat inilihim sa kanya na siya ay nasa Cauayan City.
Magkalapit lamang aniya ang barangay San Fermin at Cabaruan.




