Nasagip ang isang siyam na taong gulang na bata mula sa pagkalunod matapos itong tulungan ng isang pulis sa ilog sa Barangay Masaya Sur, San Agustin, Isabela.
Kinilala ang rumespondeng pulis na si Patrolman Raffy Molina ng San Agustin Police Station.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Patrolman Molina, sinabi niyang nagjo-jogging siya sa lugar nang mapansin ang isang batang biglang tumalon mula sa bangka at kalaunan ay nahirapang manatiling nakalutang sa tubig.
Agad na kumilos si Patrolman Molina nang mapansing nalulunod ang bata at mabilis itong iniahon mula sa ilog, na nagresulta sa matagumpay na pagsagip.
Ang bata ay residente ng Barangay Quimalabasa Sur sa nasabing bayan at kasalukuyan nang nasa maayos na kalagayan matapos ang insidente.
Ibinahagi pa Patrolman Molina na bagamat hindi siya naka-duty noong mga oras na iyon, nananatili ang kanyang responsibilidad na tumulong sa oras ng pangangailangan. Aniya, mahalagang maging handa sa ganitong sitwasyon upang makapagsagip ng buhay.
Nagpaalala rin siya sa mga magulang na paigtingin ang pagbabantay sa kanilang mga anak, lalo na sa mga lugar na may panganib tulad ng ilog, upang maiwasan ang kapahamakan.
Si Patrolman Molina ay walong buwan pa lamang na naka-assign sa San Agustin at tubong Tuao, Cagayan.










